Tag Archives: tagalog

Maikling Kwento – Anting-anting

Anting-anting (Maikling Kwento)

Maikling-KwentoAng init ng panahon, si nanay abala na naman sa pagluluto ng pagkain. Malapit na din kasi magtanghalian at medyo kumukulo na rin ang tiyan ko pero kaya ko pa namang hintayin ang oras ng kainan. Sobrang init talaga ng panahon, bakit kaya ganun? Sana may kapangyarihan akong gumawa ng yelo para maging malamig sa bahay namin para naman di ganitong tagaktak na naman ang aking pawis. Basang-basa na ang sando ko sa pawis at di na din maganda ang pakiramdam ko dahil sa malagkit na kapit ng pawis sa aking di kaputiang balat.

Ahh teka, ako nga pala si Jojo, Jonathan sa totoong buhay. Eto ako ngayon at nag-iisip kung anong magandang kapangyarihan ba ang magandang taglayin pag naging super hero na ako pero ang pag-iisip na iyon ay naudlot ng bigla akong tawagin ni lolo na nakaupo sa kanyang tumba-tumba.

“Oh Lo bakit nyo po ako tinawag?” banggit ko pagkalapit ko sa kanya. “Wala naman apo, nais ko lang iwan sa iyo ang isang regalo na magpapabago sa iyong buhay.” Natawa na lang ako, si Lolo talaga mapag-imbento. Wala na naman siyang lupa na maipapamana sa amin dahil mahirap lang ang lahi namin, ano naman kayang pamana ang sinasabi ng lolo ko. “Eh ano ba yung ibibigay nyo sa akin Lolo?”

Kinuha niya ang  kaliwa kong kamay at ipinatong ang isang tila maliit na bato. Nang tingnan ko kung ano ang kabuuan ng batong iyon, napagtanto ko na isa palang kwintas na may palawit na bato ang ibinigay ni lolo. “Ahhh. Ang inyong anting. Bakit nyo naman po ito ibinibigay sa akin Lo?” “Apo, tapos na ang pangangalaga sa aking ng anting anting na yan. Dapat lang na ako’y lumisan na upang magkita na kaming muli ng iyong Lola. Mali na pahirapan ko pa kayo sa aking katandaan kaya apo tanggapin mo ang aking handog at ito’y pangalagaan.” Sabi niya sabay ngiti sa akin. Nakita ko pa tuloy ang bungal niyang bibig. Ngumiti na lang din ako bilang tugon at tinitigang muli ang kwintas. Pagkatapos noon ay sabay-sabay na kaming nananghalian kasama ang buong pamilya.

Kinagabihan, lumisan na si Lolo. Iniwan na nga niya kami at marahil ay masaya na silang magkasama ni Lola sa langit. Ilang araw na ibinurol si Lolo at sa kanyang libing ay isinuot ko na ang kanyang regalo bilang tanda ng paggalang kay Lolo at sa kanyang iniwang paniniwala.

Lunes ng umaga, may pasok na naman. Pagkatapos ng dalawang klase ay narinig kong nagkaayaan ang mga lalake kong kaklase. Nagtipon sila sa likuran ng silid aralan at nag-usap. Maya-maya pa ay lumapit sa akin ang isa sa aking mga kaklase at sinabi, “ Jo, sama ka sa amin mamaya.” “Bakit naman? Saan ang gala?” tanong ko. “Inom.” Napaisip ako. Mainit ang panahon, hindi magandang uminom ng mga ganitong oras at saka tinatamad ako kaya sabi ko na lang, “Pass muna ako tol.” “KJ mo naman Jo. Minsan lang ‘to.” Udyok ng kaklase ko. “Ayoko talaga bro. Sa susunod na lang. Init ng panahon oh.”

Kinagabihan pagkatapos naming kumain nakatanggap ako ng text mula sa nanay ng kaklase ko, hinahanap niya ang anak niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa daw ito nauwi. Hindi naman ako nakasagot dahil hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Ayoko namang mapagalitan ang tropa dahil sakin pero ayoko din namang magsinungaling sa mga magulang niya.

-          Nagkayayaan po ang barkada na uminom ng konti. Hindi ko lang po alam kung nasaan sila ngayon.

Yan na lang ang naisagot ko sa mensahe ng nanay ng kabarkada ko. Kinabukasan nalaman ko na lang sa klase na napaaway pala ang mga kabarkada ko at mga nasa ospital ngayon dahil sa mga sugat na natamo nila sa pakikipag-away sa isang grupo. Naisip ko tuloy, buti na lang tinamad ako at hindi sumama.

Dumaan pa ang mga araw at ilan pang mga insidente ang nalagpasan ko. Isa na dito yung nagkayayaang magswimming ang buong klase, sumama ako dahil nandun ang crush ko pero nagkaroon ng aberya, naiwan ko yung anting ni lolo sa school kaya kinailangan kong bumalik. Hinintay naman ako ng buong klase sa sakayan pero pagdating ko, ayaw na nilang lahat tumuloy. Nabalitaan ko na nagkaroon daw ng banggaan sa daan na dapat tatahakin ng sasakyan namin papunta sa paliliguan namin. Dahil sa takot nagsiurungan na sila sa pagtuloy. Sabi pa ng isa kong kaklase, buti na lang naiwan ko yung kwintas ko ung hindi baka isa din kami sa mga namatay at nasugatan sa banggaan kung nagkataon.

Hanggang ngayon na ako’y nagbibinata na maraming beses na akong nakaiwas sa maraming aksidente. Hindi ko alam kung talaga bang epektibo ang anting ni lolo pero ang alam ko lang, ginagawa ko lang kung ano ang nararamdaman kong dapat. Dikta man ng anting o hindi, susundin ko kung ano ang aking kutob. Di pa din ako desidido sa kapangyarihan ng anting pero mas mabuti na din na nasa akin ito. Mas panatag ang aking damdamin dahil pakiramdam ko, ginagabayan ako ni Lolo kasama si Lola mula sa itaas.

Aral : Bilang mga Pilipino mapagpaniwala tayo sa mga pamahiin at mga anting-anting. Mahirap maniwala sa mga bagay na hindi kapani-paniwala pero wala namang masama kung ating susubukan ang mga ito. Gayunpaman lagi nating tandaan na ang mga mangyayari sa atin sa hinaharap ay bunga ng mga desisyon na ginawa natin sa nakaraan. Ikaw ang humuhulma sa iyong kapalaran kung kaya’t dapat mong matutunang pangalagaan ito.

Halimbawa ng Tula

glimpses of a poets lifeAng pahinang ito ay naglalaman ng mga halimbawa ng tula kung saan kapupulutan ng mga aral. Ang tula ay mga matatalinghagang salita na nagmula sa damdamin, karanasan, may angking aliw-iw, at kariktan. Sa kaligirang pangkasaysayan ng tula ito ay maituturing na pinakamatandang sining sa kulturang Pilipino.

Ang mga tula ay maaaring nagtataglay ng pag-ibig sa bayan,  pagmamahal sa kapwa at kalikasan. Ang tula ay may iba’t-ibang uri tulad ng Tulang Liriko o Pandamdamin, Tulang Pasalaysay, Tulang Dula at Tulang Patnigan.

Isang Punongkahoy
Jose Corazon de Jesus

Kung tatanawin ko sa malayong pook,
Ako’y tila isang nakadipang krus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Parang hinagkan ang paa ng Diyos!Organong sa loob ng isang simbahan
Ay nananalangin sa kapighatian
Habang ang kandila ng sariling buhay
Magdamag na tanod sa aking libingan.Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
Sa mga sanga ko ay nangakasabit,
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy;
Ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
Batis sa paa ko’y may luha ng daloy.Ngunit tingnan ninyo ang aking narrating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw;
Naging krus ng pagsuyong laing,
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.Wala na, ang gabi ay lambong ng luksa
Panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga,
Ni ibon ni tao’y hindi na matuwa.At iyong isipin nang nagdaang araw,
Isang kahoy akong malago’t malabay,
Ngayon ang sanga ko’y krus na libingan
Dahon ko’y ginagawang korona sa hukay.

 

Sa aking mga Kabata
Jose P. Rizal

Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
sa kanyang salitang kaloob ng langit,
sanlang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.Pagka’t ang salita’y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian.
At ang isang tao’y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.Ang hindi magmahal sa kanyang salita’y
mahigit sa hayop at malansang isda,
kaya ang marapat ay pagyamaning kusa
na tulad sa inang tunay na nagpala.Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin,
sa Ingles, Kastila sa salitang anghel,
sapagka’t ang Poong maalam tumingin
ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.Ang salita nila’y tulad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

 

Bayani ng Bukid
Al Perez

Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.Ang kaibigan ko ay si Kalakian
Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupangmayaman.Ang haring araw di pa sumisikat
Ako’y pupunta na sa napakalawak
Na aking bukiring laging nasa hagap
At tanging pag-asa ng taong masipag.Sa aking lupain doon nagmumula
Lahat ng pagkain nitong aking bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha
Sila’y umaasa sa pawis kot gawa.Sa aking paggawa ang tangi kong hangad
ang ani’y dumami na para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak
Umaasa akong puso’y magagalak.At pagmasdan ninyo ang aking bakuran
Inyong makikita ang mga halaman
Dito nagmumula masarap na gulay
Paunang pampalakas sa ating katawan.Sa aming paligid mamamalas pa rin
Ang alagang hayop katulad ng kambing
Baboy, manok, pato’t alay na pagkain
Nagdudulot lakas sa sariling atin.Ako’y gumagawa sa bawa’t panahon
Nasa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang mabawasan ang pagkakagutom.Ako’y magsasakang, bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.