Maikling Kwento – Lipstick

Lipstick (Maikling Kwento)

Maikling-Kwento                Sa batas ng buhay hindi lahat ng hingiin mo ay maidudulot sa’yo. Hindi lahat ng tao, makakaintindi sa kalagayan at desisyon mo. Hindi lahat ng gagawin mo ay mapapahalagahan. Madalas sa mga taong kagaya ko ang hindi nabibigyan ng sapat na atensyon. Madalas kaming napag-iiwanan at tumpulan ng tukso.

Ako si Elisa, labing dalawang taong gulang, isang ulila. Nakatira ako dati sa isang bahay ampunan. Bago pa man ako dumating sa bahay ampunan, dati akong naninirahan sa isang maliit na kwarto kasama ang aking ina.

Siya ay isang magandang babae na may napakamaamong mukha pero sa oras na madampian ng lipstick ang kanyang mga labi, naglalaho ang mala-anghel na mukha ni nanay. Nagtatrabaho siya tuwing gabi. Papatulugin muna niya ako bago siya tuluyang umalis at pagdating ng umaga ay magigising na lang ako na naandiyan na siya at nagluluto ng agahan. Masaya kami noon ni nanay kahit na noon lagi akong tinutukso ng mga bata. Hindi ko na lang sila pinapansin, ang mahalaga naman makapag-aral ako para matuwa sakin si nanay. Nakakaawa kasi siya, ang payat na niya at ang putla na ng kulay niya. Tanging ang nag-iisa niyang lipstick na pula na lamang ang nagbibigay buhay sa kanyang mukha.

Ang simple naming buhay na pinangarap kong umunlad oras na makatapos ako ay natuldukan nang isang  malagim na pangyayari.

Pagsapit ng gabi ay naghanda nang umalis si nanay, sinuot ang maikli niyang bistida habang naglalagay na naman ng kanyang lipstick ay sinabi niya sa akin na magpakabait daw ako. Naalala ko pa nang muli niyang ikwento ang ginawa ng aking ama na pang-aabandona sa kanya ng malaman nito na buntis siya at kung paano siya pinalayas ng kanyang mga sariling magulang. Mag-isa niya akong itinaguyod at pinalaki kahit na nangangayayat at pagod na pagod na ang manipis niyang katawan. Kinalimutan na niyang umibig ng ibang lalake matapos ang naranasan niya kay tatay at sa akin na lang niya binuhos ang lahat ng kanyang atensyon. Labis akong minamahal ni nanay kung kaya’t nang gabing iyon sinabi ko sa sarili ko, hindi ko bibiguin si nanay. Magsisikap ako para makatulong sa kanya. Ako ang magsisilbing biyaya sa lahat ng kamalasang naranasan niya at sa ganoong pangangarap ako tuluyang inabot ng antok at nakatulog nang matiwasay. Nagising ako gaya ng nakagawian ngunit ang di ko inaasahan ay ang balitang narinig ko mula sa mga nagkakagulong kapitbahay. Si nanay, natagpuang wala ng buhay sa isang masukal na talahiban. Hinihinalang pinatay at ginahasa ng ilang lalake.

Doon gumuho lahat ng aking pangarap at ang mundong binalak kong buuin kasama ang aking nanay. Lahat ng iyon ay unti-unting nadurog at naging abo hanggang sa tangin ng hangin. Hindi ko namalayan nandito na lang ako sa bahay ampunan. Iniiwasan ng mga bata dahil anak daw ako ng isang Magdalena. Masasakit na salita na ikapopoot ng aking dibdib ang lagging laman ng makasalanan nilang mga bibig. Sinasabi nila na ang kamatayan ng aking ina ay nararapat lang dahil daw siya naman ay isang bayarang babae na handing bumukaka sa kahit na sino. Lahat ng masasakit na salita ay ibinato nila kay nanay kung kaya’t di ko mapigilang hindi sila saktan dahil sa labis na poot sa kanilang mga kasinungalingan. Maari ngang isang bayarang babae ang akin ina ngunit hindi kagaya ng imaheng kanilang iniisip ang aking ina. At nang dahil nga sa madalas akong masangkot sa mga away madalang ang nagkakainteres na ako’y ampunin dahil natatakot silang ako’y palakihin dahil sa hindi diumano magandang nakaraan ng aking buhay at ang madalas kong pakikipag-away. Lagi nila akong tinutukso at minamata na para bang ako ang pinakanakapandidiring bata sa ampunan pero naawa ako sa kanilang lahat dahil alam kong mayroon akong isang bagay na wala sila, ang aking ina. Wala man siya sa aking tabi alam kong lagi siyang mananahan sa aking puso hangga’t kasama ko ang kanyang paboritong lipstick.

Sa tuwing naalala ko siya ay isa lamang ang tumatatak sa aking isip. Ang kanyang matatamis na ngiti at mga pulang labi. Sa tuwing lalagyan ko ang aking mga labi ng pulang tinta na ito, lubos kong nararamdaman ang kanyang mainit na pagmamahal sa akin, ang nag-iisa niyang anak. Ako si Elisa.