Category Archives: panitikan

Ano ang Pabula at mga Halimbawa nito

Pabula Si Pagong at si Matsing

Ang Pabula ay isang uri ng panitikan kung saan ang mga tauhan ay mga hayop na kumikilos at nag-aasal na parang tao. Ito ay nagbibigay ng moral na aral sa mga batang mambabasa. Patuk na patok sa mga bata ang ganitong uri ng kwento sapagkat napupukaw ang kanilang atensyon sa mga karakter na bumubuo sa istorya.
Noong unang panahon ginamit na tauhan ang mga hayop upang makaiwas sa pagkakaroon ng alitan ng mga tao nang dahil sa maling akala na ang kanilang lahi o lipi ang tinatalakay o pinupuna sa kwento.
Ito ay kadalasang naglalaman ng mga aral tungkol sa kabutihang asal ng isang tao na madalas na ding gamitin sa panahon ngayon upang turuan hindi lang ang mga bata kundi pati ang mga matatanda.

Limang Halimbawa ng Pabula

Ang Daga at ang Leon
Isang magandang araw ang bumungad sa masiyahing daga. Nasa kalagitnaan siya ng pamamasyal at paglalaro nang makita niyang himbing na natutulog ang isang malaking leon. Natuwa siya sa malawak na likuran nito na animo’y isang malaking padausdusan kaya’t naisip niyang umakyat doon at magpadausdos paibaba. Hindi niya naman namalayan na nagising ang natutulog na Leon. Sa pagkagising ng Leon ay agad niyang dinakma sa buntot ang kawawang daga at umaktong isusubo ito, nang malapit na sa bibig ng Leon ay nagsalita ang Daga at humingi ng paumanhin.
“Kaibigang Leon, ipagpaumanhin mo ang aking kalapastanganan, hindi ko sinasadyang gisingin ka sa gitna ng iyong pagtulog, labis lang akong natuwa kung kaya’t naisipan kong maglaro sa iyong likuran. Nawa’y patawarin mo ako at hayaan akong mabuhay pa. Huwag mo kong kainin sapagkat ako’y malansa at hindi ka mabubusog sa kakarampot kong katawan.” Anang Daga.
Naawa naman ang Leon sa Daga kung kaya’t pinakawalan niya ito.
“Sa susunod ay wag mo nang gagambalain ang pagtulog ko. Makakalaya ka na.” Sabi ng Leon.
“Salamat Kaibigan, baling araw ay masusuklian ko din ang kabutihang loob mo.” Sabi ng daga.
“Ang isang maliit na dagang gaya mo? Ano naman kayang pabor ang magagawa mo para sa isang malakig hayop na gaya ko. Nagpapatawa ka Kaibigan.”
“Balang araw Kaibigan, matutulungan din kita. Hanggang sa muli, Paalam!”

Lumipas ang mga araw na masayang namumuhay ang Daga hanggang sa minsan sumagi sa isip niya kung kamusta na kaya ang kalagayan ng kaibigan niyang Leon. Naisipan niyang dalawin ang Leon sa tahanan nito pero laking gulat niya nang makitang nasa loob ng lambat na nakasabit sa isang puno ang malaking Leon. Agad –agad namang nginatngat ng Daga ang lubid na lambat at matapos ang ilang minuto ay naputol ang lubid at nakawala ang Leon.
“Maraming Salamat Kaibigang Daga. Minaliit ko ang kakayahan mo, di ko inakala na ikaw pa ang makapagliligtas sa akin. Utang ko sa’yo ang aking kalayaan at ang aking buhay. Maraming Salamat Kaibigan!”
“Walang anuman Kaibigan, hindi ba’t sinabi ko sa’yo? Matutulungan din kita baling araw. Maliit man ako, maabilidad naman ako!”

END
Aral: Huwag maliitin ang kakayahan ng isang tao batay sa kanyang anyo o laki, maliit ka man hindi ibig sabihin nito na limitado lang ang maari mong gawin.

Ang Aso at ang Kanyang Anino
Naglalakad ang aso sa kahabaan ng kalsada ng may maaninag siyang nakaumbok sa lupa. Agad niya itong nilapitan at natuwa siya ng makitang isang malaking buto ang nakatusok sa lupa. Dali-dali niya itong hinukay at kinagat. Tuwang-tuwa siyang naglakad pauwi bitbit ang buto sa kanyang bibig. Sa kanyang paglalakad ay napadaan siya sa isang tulay upang makauwi ng mas mabilis, sa ilalim ng tulay ay ang ilog, habang naglalakad ay napagawi ang tingin niya sa ilog at nagulat siya sa repleksyong nakita niya. Isang malaking aso na may bitbit na malaking buto ang kanyang nakita, sa pag-aakalang ibang aso ito, tinahulan niya ito ng tinahulan, upang ito’y matakot at ibigay sa kanya ang buto. Kakatahol, nabitawan niya ang bitbit na buto at nalaglag pa siya sa ilog. Umuwi siyang basang-basa at ang buto namang dapat ay dala niya ay naanod sa ilog.

END
Aral: Huwag maging ganid bagkus ay makuntento ka sa kung anong meron ka.

Ang Madaldal na Pagong
Isang umagang maganda ang panahon ay nagkita-kita ang magkakaibigan sa sapa, Sina Inang gansa, Amang gansa at Madaldal na pagong. Sila’y nagkwentuhan ng kung anu-anong bagay hanggang sa magpaalam ang dalawang gansa na sila’y uuwi na.
Naisipan ng Pagong na nais niyang sumama sa tahanan ng mga gansa. “Bakit hindi ninyo ako isama sa inyong tahanan? Nais kong sumama!”
“Ngunit wala kang pakpak Pagong. Paano ka makakalipad papunta sa aming tahanan?” sabi ni Inang Gansa.
Nag-isip ang tatlo ng paraan kung paano makakasama si Madaldal na Pagong.
“Alam ko na!” sabi ni Amang Pagong. “Kukuha tayo ng kahoy na maari nating kagating tatlo. Kakagatin namin ni Inang gansa ang magkabilang dulo at ikaw ay kakagat sa bandang gitna at sabay kaming lilipad. Sa ganoong paraan ay makapupunta ka sa aming tahanan. Ngunit lagi mong tatandaan, huwag na huwag kang magsasalita kundi ika’y mahuhulog sa lupa.”
“Pangako, tatandaan ko!” anang Pagong.
Napangiti si Pagong sa ideya at dali-daling humanap ng kahoy. Maya-maya pa ay lumipad na ang dalawang gansa bitbit ang madaldal na Pagong.
Labis na natuwa ang Pagong dahil sa bagong tanawin na kanyang nakikita.. Maya-maya ay nagtumpukan ang mga bata sa ibaba at sinisigaw ang kanilang pagkamangha sa nakikita.
“Ang galing ng Pagong! Siya’y lumilipad! Ang galing!” sigaw ng mga bata.

Labis na natuwa ang Pagong at naisipan niyang magyabang sa mga bata.

“Ako ang Dakilang Pago—“

Hindi na naituloy ng pagong ang kanyang sasabihin dahil nahulog siya mula sa pagkakakagat sa kahoy. Lumagpak siya sa lupa at sising-sisi,dahil sa pagmamayabang ay nahulog siya at di nakasama sa mag-asawang gansa.

END
Aral: Ang Pangako ay dapat tinutupad. Kahit na anong tagumpay mo, kung paiiralin mo ang kayabangan ay wala kang mararating.

Ang Agila at Ang Maya
Isang araw ay nakasalubong ni Maya ang mayabang na Agila habang ipinagmamalaki nito ang bilis di umano nito sa paglipad, dahil nayabangan si Maya, naisip niyang yayaing makipagdwelo sa Agila.

Makulimlim ang kalangitan at tiyak niyang uulan mamaya-maya kung kaya’t nakaisip ng magandang ideya ang Maya. “Agila, akin kitang hinahamon sa pabilisang lumipad.”
“Niloloko mo ba munting Maya? Ako? Ang Agila? Ay hinahamon sa isang dwelo?” anang Agila na sinundan ng mapanglait na tawa.
“Oo, magaling na Agila. Tama ka. Hinahamon kita. Paunahang makarating sa bundok na iyon! Ngunit lilipad tayong may bitbit, mamili ka, asin o bulak?”
“May bitbit?” Napaisip ang Agila, kung ang bulak ang dadalhin niya ay tiyak na mananalo siya dahil ito’y magaan hindi gaya ng asin na ubod ng bigat. “Akin ang bulak!”bulalas ng Agila.
Lihim na napangiti ang Maya sa desisyon ng Agila. “Magaling, Bulak ang iyo, Asin ang akin. Tayo nang mag-umpisa!”

Sa pag-uumpisa ng karera ay talaga namang hirap na hirap ang munting Maya sa paglipad lalo na at kay bigat nang dala niyang asin. Tuwang-tuwa naman ang Agila dahil alam nyang siya na ang mananalo.
“Ano ba naman kasi ang nasa isip ng Maya na iyon? Nagawa pa kong hamunin e alam naman ng lahat na mabilis talaga akong lumipad. Kaawa-awang Maya. Ako na naman ang mananalo!”

Sa kalagitnaan ng karera ay nag-umpisa nang bumuhos ang ulan, sa pagpatak nito ay siya namang tuwa ng Maya. Unti-unting gumaan ang dalahin ng Maya dahil unti-unting natunaw ang Asin na dala-dala niya. Kabaligtaran naman nang kay Agila na mas bumigat ang dalahing bulak dahil nabasa ito ng tubig. Dahil sa paggaan ng dala ni Maya ay unti-unti siyang nakabawi sa karera at kalaunan ay nanguna sa dwelo. Lumong-lumo ang Agila ng makarating sa bundok, mabigat man sa loob ay tinanggap niya ang kanyang pagkatalo.

END
Aral: Huwag maging mayabang sa ating kapwa bagkus ay maging mapagkumbaba. Huwag mangmaliit ng kakayahan ng iyong kapwa.

Ang Alitaptap at ang Paru-paro
Isang araw habang naghahanap ng nectar ang Paru-paro ay may batang nanghuli sa kanya at siya’y pinaglaruan. Iniwan siya nitong nakabaligtad at panay ang kawag sa lupa.
Sumigaw si Paru-paro upang humingi ng tulong, narinig siya ng kaibigang Langgam ngunit dahil madami itong gawain ay iniwan siya nito. Makalipas ang ilang oras ay dumating ang kaibigan niyang gagamba ngunit hindi rin siya nito tinulungan sapagkat ayon dito ay aayusin pa nito ang bahay nito.

Malapit nang gumabi ngunit nanatili pa ding nakabaligtad ang Paru-paro. Pagod at gutom ang nararamdaman nang Paru-paro. Pinanghihinaan siyang may mga kapwa insekto pang makakita sa kanya lalo na’t magdidilim na. Hanggang sa maya-maya ay may naaninag siyang munting ilaw na papalapit sa kanya.
“Anong nangyari sa’yo Paru-paro?” tanong ng Alitaptap.
“Ikaw pala Alitaptap, kaninang umaga ay nangunguha ako ng nectar ng may batang lumapit at pinaglaruan ako.”
“Ganun ba? Hayaan mo at tutulungan kita.” Sabi ng Alitaptap.
“Maraming Salamat , Alitaptap.”
Tinulungan nga ng Alitaptap ang Paru-paro at dahil doon ay nakalipad na ang Paru-paro at umuwi sa kanyang tahanang bulaklak.

END
Aral: Sa oras ng kagipitan ay nakikilala natin kung sino ang ating mga tunay na kaibigan.

Ano ang tayutay

images Ang Tayutay ay sadyang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit at mabisa ang pagpapahayag.

Uri ng Tayutay

  1. Pagtutulad (Simile) – uri ng paghahambing ng dalawang magkaibang bagay na ginagamitan ng mga pariralang katulad ng, gaya ng, at iba pa. Halimbawa: Ang mga mata mo’y sing ningning ng mga bituin sa langit.
  2. Pagwawangis (Metaphor) – ikalawang uri paghahambing na katulad din ng pagtutulad ngunit ito’y tiyakang paghahambing at hindi gumagamit ng ng mga pariralang tulad ng, gaya ng, at iba pa. Halimbawa: Ang iyong mga mata’y maningning na bituin sa akin.
  3. Pagmamalabis (Hyperbole) – lubhang pinalalabis o pinakukulang ang tunay na kalagayan ng tao, bagay, o pangyayari. Halimbawa: Nag-aapoy sag alit si Mang Berto sa kanyang anak na nagtanan.
  4. Pagbibigay ng Katauhan (Personification) – Pagbibigay ng katangian ng isang tao sa bagay na walang buhay. Halimbawa: Umiiyak ang langit sa pagpanaw ng butihing mamamayan.
  5. Pagpapalit-saklaw (Synechdoche) – pagpapahayag sa pamamagitan ng pagbanggit sa bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan. Halimbawa: Libong tao ang nawalan, nang ang gubat ay masira.
  6. Pagtawag (apostrophe) – pakikipag-usap sa karaniwang bagay na malayo o wala naman. Halimbawa: O, Panginoon Diyos kami po ay Iyong gabayan sa bawat araw.
  7. Pag-uyam (Irony) – isang pangungutya sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang kapuri-puri ngunit kabaligtaran naman ang kahulugan. Halimbawa: Napakaganda ng iyong buhok, bagay gamiting panglinis ng bahay.
  8. Pagtatanong (rhetorical question) – pahayag na gumagamit ng tanong na hindi naghihintay ng sagot. Sa pamamagitan nito ay nailalahad ang katanungan at kapamilyang kasagutan kung matatanggap o hindi ang isang bagay. Halimbawa: Bakit nagkaganito ang mahal kong kalikasan?
  9. Pag-uulit (alliteration) – nakikita ang tayutay na ito saanmang bahagi ng taludtod o pangungusap kapag ang unang titik o pantig ng salita ay inuulit ng ilang beses. Halimbawa: magsimula tayong lahat magsimula para sa pagbabago magsimula upang kaunlaran ay makamtan.
  10. Paghihimig (onomatopoeia) – paggamit ng mga salita na kung ano ang tunog ay siya ring kahulugan. Halimbawa: Ang sagitsit ng hangin ay nagbabadya ng paparating na panganib.
  11. Pagtatambis (antithesis o oxymoron) – pagsasama-sama o pag-uugnay-ugnay ng dalawang bagay na magkasalunagt nang mangingibabaw lalo ang katangiang ipinahahayag. Halimbawa: Mabait – masama, marunong – mangmang, kaakit-akit – kasuklam-suklam. Ilang katangiang makikita sa mga taong nilalang ng Diyos.
  12. Pagtanggi (litotes) – Hindi ang pangunahing hudyat nitong salita na sa akda ay sadyang pagsalungat, pagpigil o di pagsang-ayon, ngunit ito’y pakunwari lamang, isang kabaliktaran, sapagkat ang hindi ay sadyang nagpapahiwatig ng pagtulot o pahintulot. Halimbawa: Hindi sa ayoko sa taong minamahal mo, nais ko lamang muna ay mag-igi ka sa iyong pag-aaral.

Halimbawa ng Tula

glimpses of a poets lifeAng pahinang ito ay naglalaman ng mga halimbawa ng tula kung saan kapupulutan ng mga aral. Ang tula ay mga matatalinghagang salita na nagmula sa damdamin, karanasan, may angking aliw-iw, at kariktan. Sa kaligirang pangkasaysayan ng tula ito ay maituturing na pinakamatandang sining sa kulturang Pilipino.

Ang mga tula ay maaaring nagtataglay ng pag-ibig sa bayan,  pagmamahal sa kapwa at kalikasan. Ang tula ay may iba’t-ibang uri tulad ng Tulang Liriko o Pandamdamin, Tulang Pasalaysay, Tulang Dula at Tulang Patnigan.

Isang Punongkahoy
Jose Corazon de Jesus

Kung tatanawin ko sa malayong pook,
Ako’y tila isang nakadipang krus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Parang hinagkan ang paa ng Diyos!Organong sa loob ng isang simbahan
Ay nananalangin sa kapighatian
Habang ang kandila ng sariling buhay
Magdamag na tanod sa aking libingan.Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
Sa mga sanga ko ay nangakasabit,
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy;
Ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
Batis sa paa ko’y may luha ng daloy.Ngunit tingnan ninyo ang aking narrating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw;
Naging krus ng pagsuyong laing,
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.Wala na, ang gabi ay lambong ng luksa
Panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga,
Ni ibon ni tao’y hindi na matuwa.At iyong isipin nang nagdaang araw,
Isang kahoy akong malago’t malabay,
Ngayon ang sanga ko’y krus na libingan
Dahon ko’y ginagawang korona sa hukay.

 

Sa aking mga Kabata
Jose P. Rizal

Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
sa kanyang salitang kaloob ng langit,
sanlang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.Pagka’t ang salita’y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian.
At ang isang tao’y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.Ang hindi magmahal sa kanyang salita’y
mahigit sa hayop at malansang isda,
kaya ang marapat ay pagyamaning kusa
na tulad sa inang tunay na nagpala.Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin,
sa Ingles, Kastila sa salitang anghel,
sapagka’t ang Poong maalam tumingin
ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.Ang salita nila’y tulad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

 

Bayani ng Bukid
Al Perez

Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.Ang kaibigan ko ay si Kalakian
Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupangmayaman.Ang haring araw di pa sumisikat
Ako’y pupunta na sa napakalawak
Na aking bukiring laging nasa hagap
At tanging pag-asa ng taong masipag.Sa aking lupain doon nagmumula
Lahat ng pagkain nitong aking bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha
Sila’y umaasa sa pawis kot gawa.Sa aking paggawa ang tangi kong hangad
ang ani’y dumami na para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak
Umaasa akong puso’y magagalak.At pagmasdan ninyo ang aking bakuran
Inyong makikita ang mga halaman
Dito nagmumula masarap na gulay
Paunang pampalakas sa ating katawan.Sa aming paligid mamamalas pa rin
Ang alagang hayop katulad ng kambing
Baboy, manok, pato’t alay na pagkain
Nagdudulot lakas sa sariling atin.Ako’y gumagawa sa bawa’t panahon
Nasa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang mabawasan ang pagkakagutom.Ako’y magsasakang, bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.