Ano ang Pabula at mga Halimbawa nito

Pabula Si Pagong at si Matsing

Ang Pabula ay isang uri ng panitikan kung saan ang mga tauhan ay mga hayop na kumikilos at nag-aasal na parang tao. Ito ay nagbibigay ng moral na aral sa mga batang mambabasa. Patuk na patok sa mga bata ang ganitong uri ng kwento sapagkat napupukaw ang kanilang atensyon sa mga karakter na bumubuo sa istorya.
Noong unang panahon ginamit na tauhan ang mga hayop upang makaiwas sa pagkakaroon ng alitan ng mga tao nang dahil sa maling akala na ang kanilang lahi o lipi ang tinatalakay o pinupuna sa kwento.
Ito ay kadalasang naglalaman ng mga aral tungkol sa kabutihang asal ng isang tao na madalas na ding gamitin sa panahon ngayon upang turuan hindi lang ang mga bata kundi pati ang mga matatanda.

Limang Halimbawa ng Pabula

Ang Daga at ang Leon
Isang magandang araw ang bumungad sa masiyahing daga. Nasa kalagitnaan siya ng pamamasyal at paglalaro nang makita niyang himbing na natutulog ang isang malaking leon. Natuwa siya sa malawak na likuran nito na animo’y isang malaking padausdusan kaya’t naisip niyang umakyat doon at magpadausdos paibaba. Hindi niya naman namalayan na nagising ang natutulog na Leon. Sa pagkagising ng Leon ay agad niyang dinakma sa buntot ang kawawang daga at umaktong isusubo ito, nang malapit na sa bibig ng Leon ay nagsalita ang Daga at humingi ng paumanhin.
“Kaibigang Leon, ipagpaumanhin mo ang aking kalapastanganan, hindi ko sinasadyang gisingin ka sa gitna ng iyong pagtulog, labis lang akong natuwa kung kaya’t naisipan kong maglaro sa iyong likuran. Nawa’y patawarin mo ako at hayaan akong mabuhay pa. Huwag mo kong kainin sapagkat ako’y malansa at hindi ka mabubusog sa kakarampot kong katawan.” Anang Daga.
Naawa naman ang Leon sa Daga kung kaya’t pinakawalan niya ito.
“Sa susunod ay wag mo nang gagambalain ang pagtulog ko. Makakalaya ka na.” Sabi ng Leon.
“Salamat Kaibigan, baling araw ay masusuklian ko din ang kabutihang loob mo.” Sabi ng daga.
“Ang isang maliit na dagang gaya mo? Ano naman kayang pabor ang magagawa mo para sa isang malakig hayop na gaya ko. Nagpapatawa ka Kaibigan.”
“Balang araw Kaibigan, matutulungan din kita. Hanggang sa muli, Paalam!”

Lumipas ang mga araw na masayang namumuhay ang Daga hanggang sa minsan sumagi sa isip niya kung kamusta na kaya ang kalagayan ng kaibigan niyang Leon. Naisipan niyang dalawin ang Leon sa tahanan nito pero laking gulat niya nang makitang nasa loob ng lambat na nakasabit sa isang puno ang malaking Leon. Agad –agad namang nginatngat ng Daga ang lubid na lambat at matapos ang ilang minuto ay naputol ang lubid at nakawala ang Leon.
“Maraming Salamat Kaibigang Daga. Minaliit ko ang kakayahan mo, di ko inakala na ikaw pa ang makapagliligtas sa akin. Utang ko sa’yo ang aking kalayaan at ang aking buhay. Maraming Salamat Kaibigan!”
“Walang anuman Kaibigan, hindi ba’t sinabi ko sa’yo? Matutulungan din kita baling araw. Maliit man ako, maabilidad naman ako!”

END
Aral: Huwag maliitin ang kakayahan ng isang tao batay sa kanyang anyo o laki, maliit ka man hindi ibig sabihin nito na limitado lang ang maari mong gawin.

Ang Aso at ang Kanyang Anino
Naglalakad ang aso sa kahabaan ng kalsada ng may maaninag siyang nakaumbok sa lupa. Agad niya itong nilapitan at natuwa siya ng makitang isang malaking buto ang nakatusok sa lupa. Dali-dali niya itong hinukay at kinagat. Tuwang-tuwa siyang naglakad pauwi bitbit ang buto sa kanyang bibig. Sa kanyang paglalakad ay napadaan siya sa isang tulay upang makauwi ng mas mabilis, sa ilalim ng tulay ay ang ilog, habang naglalakad ay napagawi ang tingin niya sa ilog at nagulat siya sa repleksyong nakita niya. Isang malaking aso na may bitbit na malaking buto ang kanyang nakita, sa pag-aakalang ibang aso ito, tinahulan niya ito ng tinahulan, upang ito’y matakot at ibigay sa kanya ang buto. Kakatahol, nabitawan niya ang bitbit na buto at nalaglag pa siya sa ilog. Umuwi siyang basang-basa at ang buto namang dapat ay dala niya ay naanod sa ilog.

END
Aral: Huwag maging ganid bagkus ay makuntento ka sa kung anong meron ka.

Ang Madaldal na Pagong
Isang umagang maganda ang panahon ay nagkita-kita ang magkakaibigan sa sapa, Sina Inang gansa, Amang gansa at Madaldal na pagong. Sila’y nagkwentuhan ng kung anu-anong bagay hanggang sa magpaalam ang dalawang gansa na sila’y uuwi na.
Naisipan ng Pagong na nais niyang sumama sa tahanan ng mga gansa. “Bakit hindi ninyo ako isama sa inyong tahanan? Nais kong sumama!”
“Ngunit wala kang pakpak Pagong. Paano ka makakalipad papunta sa aming tahanan?” sabi ni Inang Gansa.
Nag-isip ang tatlo ng paraan kung paano makakasama si Madaldal na Pagong.
“Alam ko na!” sabi ni Amang Pagong. “Kukuha tayo ng kahoy na maari nating kagating tatlo. Kakagatin namin ni Inang gansa ang magkabilang dulo at ikaw ay kakagat sa bandang gitna at sabay kaming lilipad. Sa ganoong paraan ay makapupunta ka sa aming tahanan. Ngunit lagi mong tatandaan, huwag na huwag kang magsasalita kundi ika’y mahuhulog sa lupa.”
“Pangako, tatandaan ko!” anang Pagong.
Napangiti si Pagong sa ideya at dali-daling humanap ng kahoy. Maya-maya pa ay lumipad na ang dalawang gansa bitbit ang madaldal na Pagong.
Labis na natuwa ang Pagong dahil sa bagong tanawin na kanyang nakikita.. Maya-maya ay nagtumpukan ang mga bata sa ibaba at sinisigaw ang kanilang pagkamangha sa nakikita.
“Ang galing ng Pagong! Siya’y lumilipad! Ang galing!” sigaw ng mga bata.

Labis na natuwa ang Pagong at naisipan niyang magyabang sa mga bata.

“Ako ang Dakilang Pago—“

Hindi na naituloy ng pagong ang kanyang sasabihin dahil nahulog siya mula sa pagkakakagat sa kahoy. Lumagpak siya sa lupa at sising-sisi,dahil sa pagmamayabang ay nahulog siya at di nakasama sa mag-asawang gansa.

END
Aral: Ang Pangako ay dapat tinutupad. Kahit na anong tagumpay mo, kung paiiralin mo ang kayabangan ay wala kang mararating.

Ang Agila at Ang Maya
Isang araw ay nakasalubong ni Maya ang mayabang na Agila habang ipinagmamalaki nito ang bilis di umano nito sa paglipad, dahil nayabangan si Maya, naisip niyang yayaing makipagdwelo sa Agila.

Makulimlim ang kalangitan at tiyak niyang uulan mamaya-maya kung kaya’t nakaisip ng magandang ideya ang Maya. “Agila, akin kitang hinahamon sa pabilisang lumipad.”
“Niloloko mo ba munting Maya? Ako? Ang Agila? Ay hinahamon sa isang dwelo?” anang Agila na sinundan ng mapanglait na tawa.
“Oo, magaling na Agila. Tama ka. Hinahamon kita. Paunahang makarating sa bundok na iyon! Ngunit lilipad tayong may bitbit, mamili ka, asin o bulak?”
“May bitbit?” Napaisip ang Agila, kung ang bulak ang dadalhin niya ay tiyak na mananalo siya dahil ito’y magaan hindi gaya ng asin na ubod ng bigat. “Akin ang bulak!”bulalas ng Agila.
Lihim na napangiti ang Maya sa desisyon ng Agila. “Magaling, Bulak ang iyo, Asin ang akin. Tayo nang mag-umpisa!”

Sa pag-uumpisa ng karera ay talaga namang hirap na hirap ang munting Maya sa paglipad lalo na at kay bigat nang dala niyang asin. Tuwang-tuwa naman ang Agila dahil alam nyang siya na ang mananalo.
“Ano ba naman kasi ang nasa isip ng Maya na iyon? Nagawa pa kong hamunin e alam naman ng lahat na mabilis talaga akong lumipad. Kaawa-awang Maya. Ako na naman ang mananalo!”

Sa kalagitnaan ng karera ay nag-umpisa nang bumuhos ang ulan, sa pagpatak nito ay siya namang tuwa ng Maya. Unti-unting gumaan ang dalahin ng Maya dahil unti-unting natunaw ang Asin na dala-dala niya. Kabaligtaran naman nang kay Agila na mas bumigat ang dalahing bulak dahil nabasa ito ng tubig. Dahil sa paggaan ng dala ni Maya ay unti-unti siyang nakabawi sa karera at kalaunan ay nanguna sa dwelo. Lumong-lumo ang Agila ng makarating sa bundok, mabigat man sa loob ay tinanggap niya ang kanyang pagkatalo.

END
Aral: Huwag maging mayabang sa ating kapwa bagkus ay maging mapagkumbaba. Huwag mangmaliit ng kakayahan ng iyong kapwa.

Ang Alitaptap at ang Paru-paro
Isang araw habang naghahanap ng nectar ang Paru-paro ay may batang nanghuli sa kanya at siya’y pinaglaruan. Iniwan siya nitong nakabaligtad at panay ang kawag sa lupa.
Sumigaw si Paru-paro upang humingi ng tulong, narinig siya ng kaibigang Langgam ngunit dahil madami itong gawain ay iniwan siya nito. Makalipas ang ilang oras ay dumating ang kaibigan niyang gagamba ngunit hindi rin siya nito tinulungan sapagkat ayon dito ay aayusin pa nito ang bahay nito.

Malapit nang gumabi ngunit nanatili pa ding nakabaligtad ang Paru-paro. Pagod at gutom ang nararamdaman nang Paru-paro. Pinanghihinaan siyang may mga kapwa insekto pang makakita sa kanya lalo na’t magdidilim na. Hanggang sa maya-maya ay may naaninag siyang munting ilaw na papalapit sa kanya.
“Anong nangyari sa’yo Paru-paro?” tanong ng Alitaptap.
“Ikaw pala Alitaptap, kaninang umaga ay nangunguha ako ng nectar ng may batang lumapit at pinaglaruan ako.”
“Ganun ba? Hayaan mo at tutulungan kita.” Sabi ng Alitaptap.
“Maraming Salamat , Alitaptap.”
Tinulungan nga ng Alitaptap ang Paru-paro at dahil doon ay nakalipad na ang Paru-paro at umuwi sa kanyang tahanang bulaklak.

END
Aral: Sa oras ng kagipitan ay nakikilala natin kung sino ang ating mga tunay na kaibigan.