Alamat ng Pinya

pinyaNoong unang panahon may mag-inang naninirahan sa malayong pook. Ang pangalan ng ina ay Rosa at ang pangalan ng anak ay Pina. Bugtong na anak si Pina kung kaya’t siya’y lumaki sa layaw. Maraming gawaing bagay ang hindi niya nalalamang gawin kung kaya’t pinagsisiskapan ni Aling Rosa na ituro ang mga ito sa kanyang anak.

Minsan nagkaroon ng karamdaman si Aling Rosa, naratay siya sa higaan kaya si Pina ang inutusan niyang gumawa ng ilang mga gawain sa bahay. Inutusan ni Aling Rosa na magluto ng lugaw si Pina, sumunod naman si Pina kaya lang sa bawat gawa niya ay palagi niyang tinatanong ang ina sa mga bagay na kanyang kailangan, tulad ng;

“Inang nasaan po ang bigas?”

“Inang nasaan po ang posporo?, hindi ko mahanap.”

“Inang nasaan po ang sandok natin hindi ko po makita?”

Dahil sa sama ng pakiramdam ng ina ito ay nainis kay Pina dahil sa walang tigil na katatanong sa kanya, kung kaya’t naibulalas nito ang mga salitang, “Naku! Pina sana’y magkaroon ka ng maraming mata para mahanap at makita mo ang bagay na nais mong  makita.”

Sumama ang loob ni Pina sa sinabi ng  ina sa kanya kaya lumabas ito ng bahay. Sumapit na ang dilim subalit hindi pa rin umuuwi si Pina, nag-alala ang kanyang ina kaya kahit masama pa ang pakiramdam ay bumangon at pinagtanong-tanong sa kapit-bahay ang anak subalit hindi niya nakita ang anak kaya nagpasya na lamang siyang bumalik sa bahay.

Kinabukasan, dahil sa pagmamahal sa anak hinanap ulit niya ang anak na si Pina subalit bigo pa rin siya. Naupo si Aling Rosa sa harap ng kanilang bahay at tinatanawan ang pagbabalik ng anak nang bigla niyang makita ang isang halamang kakaiba sa kanyang paningin. Inalagaan niya ito hanggang sa ito ay magkabunga. Laking gulat na lamang niya ng makita niya na hugis ulo ito na maraming mata. Inisip ni Aling Rosa ang anak na si Pina at ang huling mga salitang kanyang sinabi sa anak. Naibulong niya sa sarili na “Pina anak ko.” Mula noon tinawag niyang Pina ang halaman at sa kalaunan sa pagsasaling bibig ng pangalang  Pina ito ay naging Pinya.